Ang Noli at Fili ng EveryJuan

11:12 PM


Hinding-hindi na mawawala sa bokabularyo ng mga Pilipino ang mga salitang “Noli at Fili”. Ang dalawang obra maestra ni Dr. Jose Rizal na nagsisimbulo ng abuso at pagmamalupit ng mga Kastila sa panahong sakop pa nila ang Pilipinas. Dahil sa naging epekto ng dalawang akdang ito sa kasysayan at paglaganap ng diwang nasyonalismo ng Pilipinas, kinakailangan itong basahin at ituro sa lahat ng mga hayskul sa Pilipinas.

Ngunit, hindi gaanong napahahalagahan ng karamihan ng mga kabataan ngayon ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Madalas na tinatamad o hindi ginaganahan ang mga kabataan na basahin ito. Tiyak na karamihan sa mga hinaing ng mga mambabasa ang masyadong malalim at matalinhagang gamit ng wika sa akda, na mahirap maintindihan at masundan. Isa rin sa mga hinaing na ito ang hindi kaakit-akit na konteksto ng tagpuan, na masyadong “makaluma” ikanga. Huli sa lahat, sapagkat digital na ang panahon ngayon, hindi nakaeengganyo sa mga kontemporaryong mambabasa na magbasa ng napakahabang akda; mas gugustuhin nilang may mga larawan ito, upang mas madaling masundan ang daloy ng kuwento, at upang mas-maakit ang mambabasa na ituloy at tapusin ang kuwento.

Sa gayon, kinakailangan ng mga makabagong paraan ng presentasyon at pagdulog sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo upang mas maintindihan at mapahalagahan ng kasalakuyang henerasyon ang dalawang akda ni Dr. Jose Rizal. Ang dulang “Noli at Fili Dekada Dos Mil”, na isinulat ni Nicanor Tiongson at nabuo sa direksiyon ni Soxie Topacio[1], ang isang naging epektibo at matagumpay na kontemporaryong adaptasyon ng Noli at Fili. Nagawa ng dula na maging isang kawili-wili at kasiya-siya ang dalawang akda ni Rizal na madalas na sinasabing “boring”.
Upang malaman natin bakit naging epektibo at matagumpay na adaptasyon ang dula, mahalagang suriin ang mga iba’t ibang elemento ng orihinal na akda, at ang mga pinagbago nito sa dula.


  • Tagpuan- Ang elemento na ito ang isa mga kauna-unang mapapansin ng mga manonood na binago ng dula. Sa halip na naganap ang kuwento sa bayan ng San Diego sa panahon ng pananakop ng Kastila, naganap ang kuwento sa kasalukuyang panahon, sa Maypajo, Quezon. Nalalagay ang tagpuan sa konteksto ng pag-ahon mula sa pinsala ng isang malakas na bagyo, kung saan mayroong tunggalian ukol sa pagtotroso sa Sierra Madre at sa pagbabawal nito, sa pagitan ng lokal na gobyerno ng Maypajo, mga pulitiko at pribadong organisasyon na sumusuporta sa pagtotroso, at ng mga tulisan. 



  • Tauhan- Dahil sa modernong tagpuan ng dula, nararapat lamang na may mga pangalan ang mga tauhan na angkop sa panahong kanilang ikinabibilangan – si Elias bilang Elias Caancan, Crisostomo Ibarra bilang Ibarra Marasigan, Maria Clara bilang Clarissa, atbp. Higit pa rito, may pagkakaiba ang ilang mga tauhan sa kanilang pisikal na anyo, orihen, at kaganapan sa kuwento. Isang halimbawa lamang nito ang pagkilala ng mga manonood kay Ibarra at Elias sa dula bilang mga kababata, kumpara sa unang pagkikita nila sa isa’t isa sa lawa ng San Diego, kung saan pinagtulungan nilang patayin ang buwaya. Bukod sa mga pagbabagong ito, kaunti lang ang ipinalit sa mga personalidad at hangarin ng mga tauhan, kung mayroon man. 



  • Banghay- Hindi nalalayo ang dula mula sa dalawang akdang batayan nito pagdating sa pagkakapareho sa daloy at mga detalye ng kuwento. Ngunit, mayroon din itong mahahalagang pagkakaiba, na nakatutulong sa mas madaling pag-uunawa sa kuwento. Halimbawa, malalaman lamang sa bandang huli ng nobela na anak ni Padre Damaso si Maria Clara, habang sa dula naman, ipinaaalam na sa kalagitnaan ng Noli na alam ni Salvi na tatay ni Clarissa si Damaso, at handing gamitin ito upang makapiling si Clarissa. May mga eksena namang idinagdag upang maging mas-maganda o mabigyang-diin ang isang aspeto ng isang tauhan. Halimbawa, sa dula, mas aktibo si Salvi bilang kontrabida hindi tulad sa nobela, na kung saan mas pasibo ang kanyang pagiging kontrabida. Malinaw na may pinaplano siyang masama sa mga ilegal na gawain niya at pagbanta niya kay Damaso at Maria Clara, o “Clarissa” sa dula. Ikinasal niya si Clarissa sa huli ng unang bahagi ng dula. Siya rin ang responsable sa kamatayan ni Clarissa, ngunit sa orihinal na teksto, walng binanggit kung ano ang ikinamatay ni Clarissa (Maria Clara sa orihinal na teksto). Kapansin-pansin din na mas nakasentro sa mga isyung pulitikal at pangkalikasan ang tunggalian ng dula, kumpara sa mga isyu tungkol sa relihiyon; ang pagiging hipokrito ng mga pari, at ang pagmamalupit nila sa mga inosente sa orhinal na teksto. Ito na rin ay dahil mas angkop ang tunggaliang ito sa panahon ng tagpuan ng dula, at ang kaugnayan nito sa kasalukuyang panahon sa totoong buhay.


Maliban sa mga pormal na elemento ng kuwento na binago ng dula, maganda ring isalang-alang ang mga elemento na mayroon sa isang dula, na hindi mahahanap sa isang nakasulat na akda. Sa paggawa ng analisis ng mga elementong pang-dula, makikita rin natin kung paano naging matibay na adaptasyon ang “Noli at Fili Dekada Dos Mil”.


  • Tanghalan- Mararapat lamang na ang tanghalan ang unang bigyan ng pansin sapagkat ito ang pinakaunang makikita ng mga manonood, maliban sa mga aktor. Kapansin-pansin ang epektibong paggamit ng mga props upang lalong maging kaaya-aya ang presentasyon ng eksena. Isang halimbawa nito ang pinaka-unang eksena, kung saan nagkaroon ng isang napakalakas na bagyo at nagkabaha. Ang paggamit ng isang water pump na galing sa kisame upang mag-bigay ideya ng aktwal na ulan ang naging rason kung bakit naging mas kawili-wili at kamngha-mangha ang eksenang iyon. Mayroon din mga eksena na kung saan may binababang chandelier mula sa kisame kung ang eksena ay nagaganap sa loob ng isang bahay. Ang mga baril na ginagamit ng mga aktor ay aktwal na pumuputok (syempre, walang aktwal na bala), kaya naman makakaramdam ng gulat ang mga manonood sa eksena, dahil rinig na rining at kitang kita ang mga putok ng baril. Mas-nararamdaman ng mga manonood ang bigat ng eksena dahil dito. Ngunit, kapansin-pansin din na kaunti lamang ang ipinagbabago ng mismong entablado sa bawat eksena; nagbabago lamang ang mga props na ginagamit sa bawat eksena, nag-iiba ang kulay at liwanag ng ilaw depende sa bigat ng eksena, at tunog, kagaya ng paggamit ng iba’t ibang musika na naangkop sa eksena. Dahil dito, mabilis ang paglilipat ng mga aktor sa mga eksena ng dula, at nagiging maayos ang pagdaloy ng kuwento mula sa isang eksena papunta sa susunod na eksena.



  • Mga Aktor- Ang dalawang nobela, kahit na nagbibigay ng mga paglalarawan ukol sa pisikal na anyo nga mga tauhan, at diyalogo sa pagitan ng mga tauhan, ay hindi tunay na nakikita nga mga mambabasa liban na lamang kung ang kopya nila ng Noli at Fili ay mga larawan ng mga eksena. Sa paggamit ng aktor, mas-madaling makikita ng mga manonood kung sino ang nagsasalita, hindi tulad sa nobela na kung saan, may mga pagkakataon na sunod-sunod ang mga linya ng diyalogo.

  • Iskrip- Wala masyadong siste (comedy) na nakapaloob sa orihinal na akda ng Noli at Fili. Kung mayroon man, madalas na hindi naiintindihan ng mga mambabasa dahil sinasabing “makaluma” na ang akda. Sapagkat mahilig ang mga kontemporariyong mga manonood sa mga katatawanan, mahusay na nabigyan ng dula ng mga katatawanan ang mga eksena, ng hindi nasisira o nakakaabala sa daloy ng kuwento. Bukod pa rito, gumagamit ang dula ng salitang Ingles, at ang tinatawag na slang sa ilang mga eksena, na angkop sa modernong tagpuan nito at nakatutulong din sa mas madaling pag-unawa ng mga manonood sa daloy ng kuwento.


Sa kabuuan, dahil sa malikhain at dalubhasang pagbago at pagdagdag sa mga iba’t ibang pormal na element ng nobela at maparaan na pagsasagawa ng mga element ng dula; naging epektibo, kawili-wili, at matagumpay na kontemporarisasyon ng dalwang obra maetsra ni Jose Rizal ang dulang “Noli at Fili Dekada Dos Mil”. Kung magkaiba ang dula at ang mga akdang batayan nito sa panahon at konteksto, magkapareho naman ang mga ito sa layunin: ang pagpapakita ng sa katiwalian ng ating mga institusyon at ng mga taong numumuno rito, at ang pagbuwag ng katiwaliang ito sa pamamagitan ng edukasyon.


 [1] Aquino, Ann Charmaine. "Kris Bernal at Lucho Ayala, Bibida Sa 'Noli at Fili Dekada Dos Mil'" GMANetwork.com. 10 Sept. 2015. Web. 22 Oct. 2015.

You Might Also Like

0 comments

Popular Posts

Like us on Facebook

Flickr Images